Krusada: Isang Makasaysayang Pag-Alpas


Pagsapit ng kamay ng orasan sa tadhanang itinakda, maraming mga bagay na tila magpapaikot-ikot lamang o ‘di kaya’y biglang yayakap sa pagbabago na parang kaybigat sa ating kalooban. Minsan, kahit na marami na ang nagbibigay-hatol sa kalalabasan ng isang pangyayari, may mga pagkakataon na hindi inaasahan ng nakararami, ika nga ng karamihan, ito’y tinatawag na “plot twist”.



     Isa na rito ang Mga Krusada o The Crusades sa Ingles, na hango mula sa salitang Latin (Medyibal) na cruxata/cruciata na ang ibig sabihin ay minarkahan ng krus. Noong 1095, nagsimulang magbalak si Papa Urban II na bawiin ang Banal na Lupain mula sa mga Seljuk Turks (mga Turkong Sunni Muslim) noong lumakas ang kapangyarihan ng mga ito noong ika-7 siglo.


Natuloy ang plano ng Papa at siya’y nagtawag sa Konseho ng Clermont upang magbigay ng pahayag na maglulunsad ng Unang Krusada, isang ekspedisyong militar na inilunsad ng Romano Katolikong Europa, noong ika-27 ng Nobyembre, taong 1095. Sa kanyang pahayag ay kanyang sinabi ang “Deus vult!” na ang ibig sabihin ay niloloob ng Diyos. Isa sa mga dahilan na nag-ugat dito ay dahil si Papa Urban II ay tumugon sa paghingi ng tulong ni Alexios I Komnenos noong Marso, taong 1095, laban sa mga Turks.

     Opisyal na ibinuksan ang Unang Krusada noong ika-15 ng Agosto, taong 1096, sa pamumuno ng apat na hukbo nina Raymond ng Saint-Gilles, Godfrey ng Bouillon, Hugh ng Vermandois, at Bohemond ng Taranto. Nagsilbing pasimula ang Krusada ng mga nasa mababang antas (People’s Crusade sa Ingles) na pinamunuan ni Peter ng Amiens. Nang ang hukbo ni Peter ay tumawid ng Bosporus, malakas ang puwersa ng mga Turks na kanilang kalaban. Narating ng pangkat ang Constantinople. Patuloy ang labanan hangga’t sa mabawi nila ang Jerusalem noong 1099, ngunit muling naagaw ang lupa ng mga Muslim noong 1187.

         
Noong 1144, pinabagsak ni Zangi ang Kondado ng Edessa, isang crusader state na itinatag ni Baldwin ng Boulogne. Ito ang naghudyat upang simulan ang Ikalawang Krusada noong 1147, na pinamunuan nina Haring Louis VII ng Pransiya at Haring Conrad III ng Alemanya. Naglakbay ang hukbo patungong Asia Minor, subalit natalo na sila ng mga Turko sa Dorylaeum bago pa man marating ang Edessa. Matapos nito ay isinama ni Nur al-Din, ang humalili kay Zangi, ang Damascus sa ilalim ng kanyang kapangyarihan.


   Matapos ang maraming pagtatangka at pagsubok na bawiin muli ang Jerusalem, nalagay sa mga kamay ng puwersa ni Nur al-Din (na pinamunuan nina Shirkuh at Saladin) ang Cairo noong 1169. Noong 1187, naglunsad ng kampanya si Saladin na tinatawag na Labanan ng Hattin, na kung saan nabawi ang Banal na Lupain. Ito ang nagsilbing tila babala upang simulan ang Ikatlong Krusada. Sa pamumuno nina Emperador Frederick Barbarossa, Haring Philip II ng Pransiya, at Haring Richard I ng Inglatera, ang labanan ay natuloy, at noong Setyembre ng 1191, nagapi ang puwersa ni Saladin sa Labanan ng Arsuf. Nabawi ng mga nagsagawa ng krusada ang lupain ng Cyprus, ang lungsod ng Acre, at ang lungsod ng Jaffa. Sa isang kasunduan, na siyang nilagdaan noong Setyembre, taong 1192, pinayagang dumalaw sa Jerusalem ang mga Kristiyano. Ang nasabing kasunduan ang nagwakas sa Ikatlong Krusada.


Naupo sa puwesto si Papa Innocent III noong ika-8 ng Enero, taong 1198. Kagaya ng pinakalayunin ng mga krusada, sinubukan niyang mabawi muli ang Jerusalem. Noong 1198, nagtawag siya ng Ika-apat na Krusada. Inihalal sa isang pagpupulong ukol sa krusada si Theobald III ngunit siya’y namatay noong 1201 kaya ang pumalit ay si Boniface ng Montferrat. Isang kasunduan kasama ang doge ng Venice, na nagngangalang Enrico Dandolo, ang isinakatuparan na naglalayong marating ang Ehipto. Maraming transportasyong pandagat ang ginawa ngunit lumabas na marami ang lumusob sa pamamaraang naiiba sa napagplanuhan. Sa panahong iyon ay naagaw nila ang Zara mula kay Emeric. Maraming kagamitan ang nasayang, ngunit nasaktuhan na lumitaw na lamang si Alexios IV Angelos at sinabing siya’y handang tumulong sa problema ng krusada sa loob ng isang kondisyon, na ang kanyang kapangyarihan sa Constantinople ay maibalik. Marami ang kontra dito kagaya na lamang ni Simon IV ng Montfort, ngunit nagdesisyon si Papa Innocent III na ipagpatuloy ito. Noong 1203 naganap ang paglusob sa Constantinople at iniupo si Alexius IV. Ngunit noong Enero, 1204, ay umupo sa puwesto si Mourtzouphlos at pinangalanan ang sarili na Alexios V Doukas. Ito ang nagpaalis sa mga nagsasagawa ng Ika-apat na Krusada.

     Nagsagawa muli si Papa Innocent III ng 20-taong kampanyang militar (na naging pampolitikal) noong 1209 na tinawag na Krusadang Albigensian. Ang layunin nito ay ang lipulin ang Katarismo sa Languedoc. Nabigo ang Papa sa kanyang kampanya kaya naman siya’y nagpatupad na lamang ng Inkisisyong Medyibal.

Marami na ang nagawang pagtatangka upang makuha ang Banal na Lupain, ngunit noong 1212, isang batang nagngangalang Stephen ng Cloyes ang sumubok na makamit ang matagal ng layunin. Siya ay nakabuo ng lipon ng mga kabataan na hindi bababa ng 20,000, at sila ay nagmartsa upang mabawi ang Banal na Lupain. Marami ang namatay dahil sa pagod at labis na kagutuman. Upang makatawid sa dagat, may mga naglalayag na nakasakay sa mga vessel na nag-alok upang isakay ang mga bata, ngunit binihag at ginawang mga alipin ng mga ito ang mga bata. Matapos nito, nagkaroon nanaman ng Children’s Crusade sa pamumuno ni Nicholas ng Cologne, isang batang lalaki. Kagaya ng nauna, ang mga bata ay hindi nagtagumpay, sila ay namatay dahil sa kapaguran, ang iba ay nakabalik (ngunit ang mga ito ay hindi karamihan), at ang iba ay naiwan sa isang bayang Italyano.

Ang krusada ni Papa Innocent III (1217-1221) matapos ang ika-apat na krusada ay naglaan na ang kanyang primong obhektibo ay ang pagtubos sa kapalpakan ng naunang krusada matapos ang paglusob ng mga lumahok sa sinabing krusada nang atakihin nila ang Constantinople na nagbabahay ng mga kapwa nilang mga Kristiyano. Sinigurado ni Innocent III na ang ika-limang krusada ay muling magsasalba sa pangalan ng simbahan bagkus ang isang obhektibo nito ay ipatanda kung ano talaga ang habol ng simbahan sa mga krusada, ang makuha ng simbahan ang Jerusalem mula sa mga Muslim na mananakop. Dahil na din sa pagkabigo ng mga naunang krusada, sinigurado ni Innocent III na mismo ang simbahan ang mamumuno sa krusadang ito. Subalit hindi ito naabutan ni Innocent III - namatay siya bago pa ito magsimula (1216) – ngunit siya’y may nasimulan na. Ang kanyang sinimulang krusada na magmarcha papunta sa Ayyubid, isang estado ng mga Ehipto. Ito’y dahil sa kakulangan ng suporta mula sa simbahan dahil sa takot na matalo nanaman sila tulad ng nakaraang mga krusada. Ngunit bago siya namatay, nakahanap siya ng suporta para sa kanyang krusada sa pamamagitan ng paghingi ng tulong mula sa publiko at pagbigay ng Indulgence” sa mga tutulong.

Sa pamumuno ng bagong papa, Honorius III, nagsimulang mag marcha ang mga lumahok sa Krusada tungo sa Ayyubid matapos makipag tagpo sa hari ng Jerusalem na si John ng Brienne at kay prinsipe Bohemond IV ng Antioch sa Acre noong 1217. Ang kanilang pagtrato sa mga taga Ehipto bilang isang kapahamakan sa kanilang planong kunin ang Jerusalem ay isang kapuri-puring galaw dahil maari sila maipit sa pagitang ng mga Muslim at Egyptians kung hindi nila sinagot ang bantang ito. Nasakop nila ang Damietta noong ika-5 ng Nobyembre, taong 1219, ngunit itanggi ni Pelagio Galvani ang mga tuntunin para sa kapayapaan ng Damietta noong Pebrero ng parehong taon. Ang mga natira sa krusada matapos ang pagsakop sa Damietta ay nagsaya at ninakawan ang kanilang bagong sakop na siyudad. Sa kanilang pagsasaya, madali silang naipit sa Cairo hangga’t sa maisuko muli ang Damietta.

Pitong taon matapos ang bigong ika-limang krusada, ang Emperor ng Roma na si Frederick II ng Hohenstaufen ay nagsisi sa kanyang mga kakulangan na partisipasyon sa mga huling krusada. Dahil dito, sinimulan niya ang ika-anim na krusada na mismo ang emperyo ng Roma ang pumopondo. Ngunit ang kanyang pagsisisi ay hindi nagustuhan ng Papa dahil ito ay nagpapakita ng kahinaan ng simbahan at paghina ng kapangyarihan ng simbahan. Ito ay nagdulot sa pagka-ekskomunikado ni Frederick II. Kinilala ng emperador ang Ehipto bilang kakampi dahil mahina ang lehiyon ni Frederick II. 

Isang nakapaka husay at napakamapahamak na gawain ang naiplano ng emperor, dahil sa pamamagitan ng pagbabanta at pagsisinungaling ukol sa laki ng kanyang lehiyon, nagawa niyang kumbinsihin ang sultan ng Ehipto na si Al-Kamil, na makipag tulungan sa kanya sa kanyang krusada laban sa mga Muslim. Nagawa niya ring maibalik ang Nazareth at ilan pang maliliit na siyudad sa pamamahala ng mga Kristiyano na kapalit ng isang dekadang pansamantalang kapayapaan. Dahil sa kakulangan ng pagbanta ng mga Ehipto, nagawang tumapak ni Frederick II sa Jerusalem noong ika-17 ng Marso 1229 sa ilalim ng pansamantalang kapayapaan, na siyang hindi nagawa ng mga naunang krusada. Nagawang ipakita ni Frederick II ang unti-unting paghina ng lakas ng Papa at ng simbahan, dahil na ang krusadang walang tulong anuman mula sa simbahan ay siya pang nagtagumpay. Isa itong malaking pagkapanalo at isang malaking pagtubos sa mga naunang pagkakamali.

Matapos ang ilang taon, nabalitaan ni Louis IX ng Pransiya na nabawi ng mga Muslim ang Jerusalem noong 1244. Dito nagsimula ang ika-pitong krusada, na siyang nangyari mula 1248 hanggang 1254. Naghanda siya nang mabuti, mas lalo na sa pinansyal na pangangailangan upang hindi at gumamit ng ibang estratehiya, kagaya ng pagsasabi na sila ay “mangangampanya” lamang doon. Kagaya ng mga naunang krusada, sila ay nabihag ng mga kalaban na pinamunuan ni Turanshah.

Ang hari na si Louis IX ng Pransiya ay nagsagawa muli ng krusada (ika-walo sa mga pangunahing krusada) noong 1270 na minsan ay isinasama na rin sa ika-7 sa kadahilanang iisa ang naging pasimuno nito. Ang pagsalakay ni Baibars sa mga natitirang crusader states at hindi paglampas sa pagkakataong lumusob habang naubos ang mga kumokontrol sa Venice at Genoa na katatapos lamang labanan ang isa’t isa ang siyang ugat ng nasabing krusada. Ang layunin ng hari ay ang matugis at mabihag ang Tunis, ngunit siya ay nabigo nanaman.

Pagdating ng 1271 hanggang 1272, naglayag sa Acre si Edward I ng Inglatera dahil nagkaroon siya ng inspirasyon nang matalo ang sinundang krusada. Kagaya ng inaasahan na mabigo, hindi nagwagi ang pinakahuli sa mga pangunahing krusada, hindi dahil sila ay natalo sa labanan, kundi ay umurong si Edward. Kahit na marami ang panalo niya laban kay Baibars, umurong siya dahil siya ay nababahala na hindi na malulutas ang panloob na alitan ng mga crusader states.

Sa makatuwid, hindi madali ang tinahak ng serye ng mga Krusada. May naging madugo, magulo, biglaan, at may nabigo. Mayroong nagtagumpay, ngunit nabawi rin ang nakamit na hangarin. Kaya naman na masasabi na ang Krusada ay hindi lamang labanan upang mabawi ang Banal na Lupain, kundi ito rin ay isang makasaysayang bagay na higit pa sa isang epiko’t kuwento dahil napakaraming gintong aral ang itinanim nito sa bawat isa sa atin. Isa na lamang dito ay ang pagiging sang-ayon ng pahayag na “don’t celebrate too early” sa mga naganap na Krusada. Naririto ang apat na simpleng mga binibining musmos na nag-iiwan ng pahayag na nagsasabing:

“Sa tindig ng nakaraan, pluma o madugo man, maaaring madiligan ng kaalaman ang kamusmusan kung ito’y ‘di malilimutan.”

~Ang Mga May-Akda ng Blog na Ito at ang kanilang Repleksiyon~

Castro, Lorraine Joy R.
          Ang natutunan ko sa krusada ay ito ay isa sa mga madudugong parte ng kasaysayan ng mundo. Isa itong kampanya ng mga Katoliko noon upang mabawi ang mga tradisyonal na teritoryo o lupain ng mga Kristiyano na napasakamay ng mga Muslim. Naging palasak ang krusada sa Europa at nagkintal ng mga aral at mga pangyayaring mahahalaga sa kasaysayan, hindi lamang sa Europa at sa paglawak ng Katolisismo, maging sa buong mundo.



Chavez, Maria Gwyneth D.
         
          Nang sumalubong ang bugso ng presensya ng Krusada sa aking kamalayan, tila nakita ko ang repleksiyon ng bawat isa sa buong populasyon ng ating daigdig. Ayon nga sa nasabi, ang Krusada ay naglalayong mabawi ang Banal na Lupain, ngunit may mas malalim itong kahulugan na tumagos sa akin. Naniniwala ako sa pahayag na “Deus vult!” kaya masasabi ko na ang mga krusada, pati na ang halong pagkawagi’t pagkatalo, ay iniloob Niya na mangyari. May dahilan kung bakit nangyayari ang iba’t ibang bagay, napagplanuhan man o hindi. Mula dito, masasabi ko na ito ay ipinagkaloob na mangyari upang ikintal sa ating puso’t isipan ang maraming gintong aral. Ang ilan lamang dito ay ang pagiging matapang, matiyaga, maparaan, at mapagtiwala sa kakayahan ng sarili at ng iba, pagsubok sa mga bagay na maaaring magdulot ng magandang pagbabago sa ating mga buhay (change for the better ika nga), at ang pagkakaroon ng paninindigan sa mga MABUBUTING bagay na nasimulan na. Natutunan ko rin na ang pagtataksil at pagkakaroon ng mga haka-hakang walang patunay ay nakasasama hindi lang sa sarili kundi pati na rin sa iba. Nalaman ko rin ang iba’t ibang taong sangkot sa mga naganap. Marami pang mga nakatagong kayamanan na pang-asal sa Krusada, kaya ang aking masasabi lamang ay ang mga nakaraan ay huwag ng ulitin bagkus ay matuto na lamang mula rito, at ang aral ay makakamit kapag ang nakaraan ay dinamdam hindi lang ng isip kundi pati na rin ng puso.

Dayrit, Gwen H.












Purazo, Ashir Stephanie E.
         
           Nagkaroon ng magandang dulot ang krusada, ito ay sa larangan ng kalakalan. Napalaganap ang komersyo at ito ay nagsilbing salik sa pag unlad ng mga lungsod at malalaking daungan. Ang kulturang Kristiyano ay napayaman din. Ilan din sa mahahalagang pangyayari ay ang naging malayang manlalakbay ang mga kristiyano sa Jerusalem matapos ang ikalawang krusada.
          Ang krusada o ang crusades sa Ingles ay isa sa mga madudugong parte ng kasaysayan ng mundo. Isa itong kampanya ng mga Katoliko noon upang mabawi ang mga tradisyonal na teritoryo o lupain ng mga Kristiyano na napasakamay ng mga Muslim. Naging palasak ang krusada sa Europa at nagkintal ng mga aral at mga pangyayaring mahahalaga sa kasaysayan, hindi lamang sa Europa at sa paglawak ng Katolisismo, ng mundo.
          Masasabi kong malaki ang naging epekto ng mga krusada sa atin. Ngunit ito rin ay nakatulong sa atin. Dahil rin sa pagaaral ng krusada, natutunan ko kung ano ang mga nangyari noong unang panahon.























Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito